This site is currently being updated and refined.

Kayo ay Malugod na Inaanyayahan sa Kasal nina

 Erico & May Ann

:
:
:
Days
Hours
Minutes
Seconds
Countdown finished!

Pakinggan ang Aming Wedding Song

Maligayang Pagdating sa Opisyal na Website ng Aming Kasal

Malugod namin kayong inaanyayahan na makibahagi sa isang araw na isinulat ng tadhana at pinagtibay ng pagmamahal. Ang aming kasal ay hindi lamang pag-iisang-dibdib ng dalawang puso, kundi paglalakbay ng dalawang kaluluwang piniling magmahal, mangarap, at magsama habang buhay.

Sa website na ito, matatagpuan ninyo ang mga detalye tungkol sa aming espesyal na araw: ang mga lugar na magiging saksi sa aming mga pangako, ang mga sandalıng aming paghahatian, at ang mga alaalang sabay nating lilikhain. Inaanyayahan namin kayong tuklasin ang aming kwento, mag-RSVP, at masilayan ang paglalakbay ng pagmamahalang nagdala sa amin sa sandaling ito.

Hindi na namin mahintay na makasama kayo sa pagdiriwang ng isang pag-ibig na pinili araw-araw, sa hirap at ginhawa, at sa habang-buhay. Ang inyong presensya ay magiging bahagi ng aming kwento - isang alaala na aming iingatan magpakailanaman.

Pakigamit po ang aming opisyal na hashtags sa pagbabahagi ng mga sandaling ito:

#EricoMayForeverOne


Hanggang sa araw na pag-isahin ang aming pangarap at pangako.


Erico 💖 May Ann


Kwento ng Aming Pag-ibig

 I-swipe upang basahin ang aming kwento

May mga sandaling dumarating sa buhay na tila pangkaraniwan lamang. Mga sandaling hindi mo aakalain na iyon na pala ang magsisilbing simula ng pinakamagandang kabanata ng isang kwento. Ganito nagsimula ang kwento nina Erico at May Ann.

Sa parehong paaralan sila nag-aral noong High School. Third year si Erico habang first year naman si May Ann. Isang gabi matapos ang street dancing practice at habang break time ng lahat, nagkayayaang maglaro ng habulang kampit. Dahil apat na lamang sila na wala pang kapareha, nagtompyang sila. Sa isip ni Erico noon, sana hindi niya makapartner si May Ann. Hindi dahil sa ayaw niya rito, kundi dahil mahihiya siya sa kanyang mga kamay na madaling pagpawisan. Ngunit tila may ibang plano ang pagkakataon, dahil sila pa rin ang itinakdang maghawak-kamay sa larong iyon.

Habang tumatakbo silang magkahawak-kamay upang hindi mataya, nagtago muna sila sa isang sulok. Doon, nahihiyang sinabi ni Erico na baka maaari muna silang bumitaw dahil sobrang pawis na ng kanyang kamay. Nag-alok rin siya ng panyo upang iyon na lamang ang kanilang hawakan. Ngumiti lamang si May Ann at sinabi “Okay lang ‘yan, huwag na tayong magbitaw baka kasi makita tayo at mataya pa tayo. Baka hindi rin pwedeng na sa panyo tayo hahawak”.

Maaring simpleng sagot lamang iyon para kay May Ann, ngunit para kay Erico, naging espesyal ang sandaling iyon. Humanga rin siya sa pagiging tapat nito kahit alam niyang walang ibang makakakita kung sila ay bibitaw, pinili pa rin nitong manatiling magkahawak-kamay dahil ayaw niyang lumabag sa laro at baka sila pa ang mataya. Mas lalo pang tumatak sa kanya ang pagtanggap ni May Ann sa kanyang pawisang kamay. Hindi niya ipinadama na iyon ay isang bagay na dapat ikahiya. Sa halip, nanatili lamang siyang komportable.

Lumipas ang mga taon at nagkanya-kanya sila ng landas sa kolehiyo. Akala nila ay hanggang alaala na lamang ang kanilang pagkakakilala. Ngunit noong Setyembre 3, 2010, isang simpleng birthday greetings sa Facebook Messenger ang muling naglapit sa kanilang mga puso. Mula sa simpleng pagbati ni Erico kay May Ann ay naging gabi-gabing kwentuhan, tawagan, at walang sawang pagkukumustahan. Inaabangan ni Erico ang oras na mag-online si May Ann sa computer shop. Naglakas loob rin siyang hingin ang cellphone number nito ngunit isang numero lamang kada mag-online ang binibigay niya, ilang linggo rin ang hinintay bago tuluyang nakumpleto ang numero nito.

Sa paglipas ng ilang buwan, nalaman ni Erico na hindi pa handa si May Ann sa isang relasyon. Kaya sa halip na pilitin ang kanyang nararamdaman, nagtanong nalang siya kung may bestfriend na ba siyang lalaki, at noong malaman na wala ay itinanong niya kung maaari ba silang maging mag bestfriend.

Pumayag si May Ann ngunit may isa siyang kondisyon na kapag mag bestfriend bawal ma-inlove.

Napangiti na lamang si Erico. Alam niyang imposibleng sundin ang kondisyong iyon, ngunit masaya na rin siya sapagkat para sa kanya, ang pagiging mag bestfriend ang magiging pagkakataon upang mas mapalapit kay May Ann at mas makilala ang babaeng matagal na niyang hinahangaan.

Lumipas ang taon, hindi lamang si May Ann ang unti-unting naging malapit kay Erico. Nakilala at napalapit din siya sa pamilya nito. Batid ni Erico na hindi pa handa si May Ann na buksan ang kanyang puso, kaya sa halip na madaliin ang mga bagay, pinili niyang igalang ang kanyang desisyon. Inilalaan niya ang kanyang panahon sa pagbuo ng magandang samahan sa pamilya ni May Ann hanggang sa naging malapit siya sa mga kapatid nito at itinuring na ring bahagi ng kanilang tahanan. Hindi rin niya pinalampas ang bawat mahalagang araw sa buhay ni May Ann, sinisikap niyang naroon upang magbigay ng suporta at makibahagi sa kanyang mga tagumpay. At hindi lamang sa masasayang pagkakataon siya naroon. Sa mga panahong may pinagdaraanan si May Ann, sa mga pagkakataong kailangan niya ng taong makikinig, tahimik na naroon si Erico. Unti-unti ring naging komportable ang loob ni May Ann kay Erico. Sa bawat pag-uusap, gumagaan ang kanyang loob. Maaaring may mga sandaling may damdaming unit-unting umuusbong, ngunit pinili niyang huwag muna itong bigyan ng pansin.

Sa paglipas ng panahon, maraming beses na nasubok ang katapatan, tiyaga, at sinseridad ni Erico. Madalas niya itong ipinahihiwatig sa biro, tinatanong kung maaari na ba silang maging higit pa sa magkaibigan. Sa bawat pagkakataon, mahinahon siyang tinatanggihan ni May Ann, kahit ramdam nitong may espesyal na pagtingin na si Erico sa kanya. Samantala, pinili ni May Ann na huwag madaliin ang kanyang puso. Maingat niyang inobserbahan ang kanyang damdamin habang buong tiwala niyang ipinagkakatiwala sa Diyos ang kanyang panalangin na sana ang unang lalaking tunay niyang mamahalin ay siya na ring makakasama at makakatuwang niya habambuhay.

Habang lumilipas ang mga taon, may iba ring mga lalaki ang nagtangkang manligaw at mapalapit kay May Ann. Binigyan niya ng pagkakataong makilala ang mga ito, Hindi rin maikakailang nagpakita rin sila ng oras, effort, at pagmamahal. Ngunit sa kabila ng lahat ng kanilang ipinakita, kay Erico pa rin siya higit na naging komportable. Sa bawat pagkakataong magkasama sila, dama niya ang seguridad at kapayapaang nagbibigay sa kanya ng lakas ng loob na ipagkatiwala ang kanyang puso. Sa bawat paghahambing, mas naging malinaw sa kanya na ang tunay na pag-ibig ay hindi nasusukat sa matatamis na salita, kundi sa taong piniling manatili, hindi napagod umunawa, at maghintay kahit walang katiyakan kung siya ba ang pipiliin sa huli.

Hindi naging madali ang mahabang paghihintay ni Erico. Habang lumilipas ang panahon, maraming nagpayo at nagsabing sumuko na at baka may ibang taong mas nararapat para sa kanya. Ngunit sa kabila ng lahat, pinili niyang manatili. Hindi dahil sigurado siyang sasagutin siya, kundi dahil sigurado siyang si May Ann ang babaeng nais niyang makasama habambuhay.

Nang makapagtapos ng kolehiyo si May Ann, muli siyang nagtanong kung maaari na bang maging sila. Ngunit muli siyang tumanggi. Nais muna raw nitong makapagtrabaho at hiniling kay Erico na tapusin muna ang kanyang ikalwang kurso. Masakit man para kay Erico ang muling maghintay, pinili niyang igalang ang desisyon ni May Ann. Dumating ang mga sandaling napapatanong siya kung darating pa ba ang araw na matutupad ang matagal na niyang ipinagdarasal. Gayunpaman, hindi niya piniling sumuko. Sa halip, iginalang niya ang desisyon ni May Ann at patuloy na naghintay. Marahil, ito na ang itinuring niyang huling sign na kung makapagtapos siya at hindi pa rin siya papayag, tatanggapin niyang marahil ay hindi sila ang itinadhana para sa isa't isa. Ngunit habang wala pang malinaw na kasagutan, pinili niyang manatili, magtiwala sa tamang panahon, at ipagpatuloy ang pagmamahal na matagal nang iningatan ng kanyang puso.

Naging matalik na magkaibigan sila sa loob ng pitong taon. Pitong taon ng pagkilala sa isa't isa. Pitong taon ng pagtitiwala, pagsuporta, at pagbuo ng isang pagkakaibigang naging matibay na pundasyon ng kanilang pagmamahalan. At sa tulong ng Diyos, dumating din ang araw na matagal nilang ipinagdasal.

Noong Hunyo 16, 2017, kasabay ng pagtatapos ni Erico sa kanyang ikalawang kurso, dumating din ang pinakahihintay niyang sandali., sa wakas ay sinagot na siya ni May Ann.

Mas naging espesyal ang sandaling iyon dahil si Erico ang naging unang boyfriend ni May Ann, at si May Ann naman ang naging unang girlfriend ni Erico. Isang pag-ibig na hindi nagsimula sa pagmamadali, kundi sa matibay na pagkakaibigan, pagtitiwala, at paghihintay sa tamang panahon.

Sa loob ng siyam na taon bilang magkasintahan, hindi lamang pag-ibig ang kanilang pinagyaman, kundi isang pagkakaibigang hindi kailanman nawala sa kabila ng paglipas ng panahon. Magkaagapay silang nangarap, nagsikap, at humarap sa bawat pagsubok at biyaya ng buhay. Sa bawat araw, pinili nilang maging tahanan ng isa't isa, sa saya man o sa lungkot. Araw-araw nilang piniling mahalin, unawain, at suportahan ang isa't isa.

At noong Nobyembre 16, 2025, sa Cathedral ng Baguio City, matapos humingi ng basbas sa pamilya ni May Ann, lumuhod si Erico at muling nagtanong ng pinakamahalagang tanong sa kanyang buhay.

At muli, ang sagot ay isang buong pusong "Yes."

Erico & May Ann:

“Ngayon, matapos ang pitong taon ng pagkakaibigan at siyam na taon bilang magkasintahan—labing-anim na taon ng pagkilala, paghihintay, pagtitiwala, pananalig, at araw-araw na pagpili sa isa't isa—narito kami, handang simulan ang panibagong kabanata ng aming buhay bilang mag-asawa.

Ang aming kwento ay patunay na ang pag-ibig na nakalaan sa tamang panahon ay hindi kailanman nagmamadali. Ito ay marunong maghintay, magtiwala, at manatili. At ngayon, sa harap ng Diyos at ng mga taong mahal namin, pinipili naming ipagpatuloy ang paglalakbay na minsang nagsimula sa isang simpleng larong habulang kampit, isang paglalakbay na ngayon ay hahantong sa aming habang-buhay.”

Gabay sa Kasuotan

Mga Kaibigan at Kapamilya

Magalang po naming hinihiling sa lahat ng aming mga bisita na iwasan ang pagsusuot ng masyadong kaswal na kasuotan tulad ng polo shirt, tsinelas, denim, at maong. Hinihiling din po naming iwasan ang pagsusuot ng maiikling damit (mini dress).

Inaanyayahan po namin kayong sundin ang itinakdang dress code at color motif para sa aming pagdiriwang. Lubos po naming pahahalagahan ang inyong pakikiisa, dahil makatutulong ito upang maging mas elegante at maayos ang kabuuang tema ng aming kasal.

Inaasahan po naming makita kayo sa inyong pinakamagandang kasuotan na naaayon sa aming napiling tema. Maraming salamat po sa inyong pag-unawa at pakikiisa!

Gabay sa Regalo

Tunay na kami ay pinagpapala sa lahat ng biyaya na aming natatanggap. Ang inyong panalangin at presensya ay ang tanging hiling namin. Ngunit kung nais pa rin po ninyong magbahagi sa amin, mas makakatulong po sa amin ang regalong pinansyal

Lokasyon at Mapa

Seremonya

Immaculate Conception Parish Macalelon, Quezon

Buksan ang Mapa

Handaan ng kasal

Macalelon Sports Complex- Brgy. Rodriguez, Macalelon, Quezon

Buksan ang Mapa

Seremonya

Immaculate Conception Parish Macalelon, Quezon

Buksan ang Mapa

Mga Madalas Itanong

  • RSVP

    Lubos kaming nasasabik na ipagdiwang ang araw ng aming kasal kasama kayo! Upang masiguro ang isang mas personal at kaaya-ayang karanasan para sa lahat, naglaan kami ng nakatalagang upuan para sa bawat panauhin. Magalang po naming ipinapaalala na ang bawat paanyaya ay para sa ISANG (1) TAO LAMANG.


    Mangyari po lamang na mag-RSVP bago ang Setyembre 20, 2026 upang makumpirma ang inyong pagdalo.


    Hindi na namin mahintay na ibahagi ang hindi malilimutang araw na ito kasama kayo! 💖

  • May nakalaang paradahan ba para sa aking sasakyan?

    Oo, may available na parking sa venue. Pakitandaan po na ito ay first come, first served lamang, kaya mas mainam po na dumating nang maaga.


  • Nag-RSVP ako ng "Hindi Makakadalo," pero nagbago ang plano ko at makakadalo na ako! Ano ang dapat kong gawin?

    • Makipag-ugnayan muna sa amin. Sa kasamaang palad, limitado lamang ang aming listahan ng mga bisita.
    • Mangyaring ipaalam sa amin kung magiging maluwag na ang inyong iskedyul upang masubukan naming mabigyan kayo ng puwesto.
    • Kung magkakaroon ng bakanteng upuan, agad namin kayong ipapaalam.
    • Hinihiling po namin na huwag dumalo nang walang paunang abiso, dahil maaaring wala nang bakanteng upuan na maihahanda para sa inyo.
  • Kailan po ang nararapat na oras ng pag-alis?

    Ikalulugod po namin kung makakasama ninyo kami hanggang sa ganap na matapos ang programa. Tunay pong mahalaga sa amin ang inyong presensya, at ikagagalak naming maibahagi ninyo sa amin ang bawat makabuluhang sandali ng pagdiriwang.


  • Ano ang maaari kong gawin upang maging masaya ang magkasintahan sa kanilang kasal?

    • Mangyaring mag-RSVP agad kapag malinaw na ang inyong iskedyul.
    • Magsuot ng angkop na damit at sundin ang tema ng aming kasal.
    • Dumating sa takdang oras.
    • Manatili hanggang sa matapos ang programa.
    • Makilahok sa mga aktibidad at magsaya!
  • Maari ko bang dalhin ang aking “PLUS ONE” sa okasyon?

    Bagama’t nais po naming makasama ang lahat ng aming kaibigan at pamilya, may limitasyon po ang bilang ng mga panauhin na maaari naming tanggapin. Hinihiling po namin ang inyong pag-unawa na ang okasyong ito ay mahigpit na para lamang sa mga imbitado. Maraming salamat po sa inyong pag-unawa.


  • Pwede bang umupo kung saan ko gusto sa reception?

    Paalala lang po na may assigned seating arrangement tayo para sa reception. Nakahanda na po ang ating table assignment chart sa venue entrance para gabayan kayo sa inyong upuan.

  • Maaari ba akong kumuha ng mga larawan?

    Tulungan ninyo kaming gawing mas makabuluhan ang araw na ito. Mangyaring kumuha ng mga larawan at ibahagi ang inyong mga kuha gamit ang aming opisyal na hashtag:


    #EricoMayForeverOne

  • Kailangan pa ba talagang mag-RSVP kahit sinabi na naming "Oo" sa couple?

    Oo. Ang RSVP sa aming website ang magsisilbing opisyal na kumpirmasyon ng inyong pagdalo. Nakakatulong ito sa amin sa pag-aayos ng seating arrangement, bilang ng pagkain, at iba pang detalye ng aming kasal.


    Kung nasabihan na ninyo kami nang personal na makakadalo kayo, hinihiling pa rin namin na kumpletuhin ang RSVP sa website upang matiyak na tama ang aming listahan ng mga bisita.


    Maraming salamat sa inyong pakikiisa at pag-unawa!

RSVP

Nasasabik kaming ipagdiwang ang aming kasal kasama ang aming pinakamalalapit na pamilya at mga kaibigan!


Magalang naming hinihiling ang inyong tugon bago o sa Setyembre 20, 2026.

Maraming salamat!

ERICO AND MAY ANN | RSVP